Noli Me(me) Tangere: Bad Luck Sisa, H3B-31

Ang tauhan na inilarawan ko sa aking meme ay si Sisa, isang ina sa Noli Me Tangere. Sa kwento, si Sisa ay naipakilala sa kabanata labing-anim, kung saan inilarawan ang buhay niya at ng kanyang pamilya. Siya at ang kanyang pamilya ay nakatira sa bandang labas ng bayan ng San Diego. Ang ibig sabihin nito ay mahirap sila, dahil ang mga tao na tumitira malayo sa sentro ng bayan ay kadalasang mahirap. Dahil mahirap sila, hindi rin nakakapag-aral ang mga anak ni Sisa, si Crispin at Basilio. Sila ay nagtatrabaho na lang sa simbahan bilang sakristan. Mas lalo nagiging mahirap ang buhay nila dahil sa asawa ni Sisa. Ang asawa ni Sisa ay sugarol, at madalas niyang kinukuha ang pera na naiipon ng kanyang mga anak. Konti na nga lang ang pera ng kanyang anak dahil madalas itong bawasan ng mga pari, ngunit kinukuha pa rin niya ito. Sa kabila ng kanyang problema, mapagmahal pa rin si Sisa sa pamilya niya, at ito ay dahil sa kanyang mga anak. Sila ang tanging dahilan kung bakit may gana pa rin siya mabuhay.

Marami siyang problema sa buhay; ang asawa niya ay sugarol at walang pakialam sa pamilya nila, namatay ang anak niyang si Crispin, atbp. Ginamit ko ang kahirapan ni Sisa bilang inspirasyon para gumawa ng meme na ito. Ang kahirapan na dinadanas niya ay ang pangunahing paksa ng meme na ginawa ko. Kaya inihambing ko ang kahirapan ni Sisa sa isang sikat na meme ngayon, si “Bad Luck Brian.” Si Bad Luck Brian ay isang taong malas, at lahat ng masamang maaring mangyari ay nangyayari sa kanya. Sikat ang meme na ito dahil nakakatawa ang mga nangyayari sa kanya dahil sobrang malas na mga ito, kailanman ay hindi ito nangyayari sa ibang tao. Bagay talaga ang meme na ito kay Sisa dahil napakamalas ang buhay niya. Ang paghihirap at kalungkutan niya ay makikita sa Kabanata 18 din, kung saan nabaliw siya sa pagkawala ng kanyang mga anak. Sa totoo lang, marami ring masasamang nangyayari sa ibang tauhan sa kwento, tulad ni Crisostomo Ibarra, Maria Clara, at iba pa. Ngunit si Sisa na yata ay ang tanging pinakamalas sa lahat ng tauhan sa kwento, naging baliw na nga siya sa dami niyang kahirapan sa buhay.

Isang dahilan kung bakit ginamit ko si Sisa para sa meme ko ay dahil malaki ang kahalagaan niya sa kwento. Sinisimbolo ni Sisa ang mga mahihirap na Pilipino, mga Pilipino na inaapi ng mga Kastila sa Pilipinas. Ang mga Pilipino ay naghihirap dahil sa kawalang hustisya ng mga Kastila. Ang lipunan dati ay pinagharian ng dalawang grupo, ang pamahalaan at ang simbahan. Ang dalawang grupong ito ay nang-api rin sa mga Pilipino. Sa lipunan dati, iba’t ibang tao ay naaapi, at si Sisa ay isa sa mga pangunahing halimbawa nito. Ang ibig kong mangyari sa mga taong makakakita ng meme na ito ay maging interesado sila sa Noli Me Tangere at kung papaano nagkaganoon ang buhay ni Sisa. Sana rin ay makita nila ito kapag natapos nila basahin ang akda, para masmaaalala nila ang mga mahalagang tauhan o konsepto sa nobela. Sa tingin ko, ang ganitong uri ng meme, katulad ng meme ko, ay makakatulong sa mga kabataan ngayon upang mas lalo nilang maintindihan ang nobela. Ito ang daan upang magkaroon ng ideya ang mga kabataan ngayon tungkol sa problema ng korupsyon at ang kanser ng lipunan na sumira sa buhay ng mga Pilipino noon.

Source: http://www.ragemaker.net